State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S.
Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives,
Batasan Pambansa Complex, Quezon City,
on July 23, 2012]
Maraming salamat
po. Maupo po tayong lahat.
Senate President
Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay;
mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; ang ating
mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na
kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga kagalang-galang na miyembro ng Kamara de
Representante at ng Senado; mga pinuno ng pamahalaang lokal; mga miyembro ng
ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa kong
nagseserbisyo sa taumbayan; at siyempre sa akin pong mga boss, magandang hapon
po sa inyong lahat.
Ito po ang aking
ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang
kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na daan.
Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa
kalsada kundi sa sistemang panlipunan.
Dalawang taon na
ang nakalipas mula nang sinabi ninyo, “Sawa na kami sa korupsyon; sawa na kami
sa kahirapan.” Oras na upang ibalik ang isang pamahalaang tunay na kakampi ng
taumbayan.
Gaya ng marami sa
inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang
po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong
taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong taong napilitang
mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa pagdurusa ng marami
dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t
ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung may abusadong
mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa
sistema, tungkulin kong itama ito. [Applause]
Matagal nang tapos
ang Batas Militar. Tinanong tayo noon, “Kung hindi tayo, sino pa?” at “Kung
hindi ngayon, kailan pa?” Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang
demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa
mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa
pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
Ngunit huwag po
nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador
ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy
pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga
nagnanais magpatuloy ng panlalamang.
Mula sa unang araw
ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot
ng nawalang dekada.
Nariyan po ang
kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang
negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang
labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang
masaklap pa po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.
Nariyan ang walang
pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng pagkalugi ng kanilang mga
ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong pinasingaw ng PAGCOR para sa kape.
Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi ang pangangailangan sa
armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para lang kumita mula sa lumang helicopter
na binili sa presyong brand new.
Wala na ngang
iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang
bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin nating punuan: Ang 66,800
na backlog sa classrooms, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos;
ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga naman ng 2.31 billion
pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong
hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para makasali sila: maaaring
umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103
billion pesos na kailangan para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa
harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit:
6.5 percent ng kabuuang budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak sa laban nang
nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang mga mata, at kakampi
pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
Kaya nga sa unang
tatlong buwan ng aming panunungkulan, inaabangan namin ang pagdating ng Linggo
para maidulog sa Panginoon ang mga bangungot na humaharap sa amin. Inasahan
naming mangangailangan ng ‘di bababa sa dalawang taon bago magkaroon ng
makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo ng sapat na pag-unawa ng taumbayan?
Subalit kung may isang bagay mang
nakatatak na sa ating lahi, at makailang ulit na nating pinatunayan sa buong
mundo: Walang hindi makakaya ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng
pagbabago; nakamit natin ang pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito. [Applause]
Ang kalsadang
pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang tanging tongpats ay
aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
Ang sitwasyon kung
paparating ang bagyo: nakaabang na ang relief, at hindi ang tao ang nag-aabang
ng relief. Nag-aabang na ring umalalay ang rescue services sa taumbayan, at
hindi tayo-tayo lang din ang sumasaklolo sa isa’t isa. Karaniwan na po
ito.
Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang
sa pulis, ambulansya, o bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin
po ito. Ang gobyernong dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng
Pilipino. [Applause]
Nagpatupad po tayo
ng reporma: tinanggal ang gastusing hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at
ipinakita sa mundong open for business under new management na ang Pilipinas.
Ang dating sick man of Asia,
ngayon, punung-puno na ng sigla. Nang nagkaroon tayo ng positive credit rating
action, ang sabi ng iba, tsamba. Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? [Applause] Sa Philippine Stock Exchange index, nang una
nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga nagduda. Ngayon, sa dami ng
all-time high, pati economic managers, nahirapan yata sa pagbilang, at ako rin
po ay nagulat: nakakaapatnapu’t apat na pala tayo, at bihira nang bumaba sa
5,000 ang index. [Applause] Nito pong
first quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo
niyan sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian region;
pangalawa po ito sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. [Applause] Kung dati po, tayo ang laging nangungutang,
ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang. [Applause] Dati, namamalimos tayo ng investments;
ngayon, sila na ang dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong
po namin, ang sabi ay, “Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang
pinakamura, pero una naman kami sa teknolohiya.” Pati pinuno ng isa pong
malaking bangko sa Inglatera, kamakailan nakipag-usap sa atin, ang sinabi,
maisali sana
sila sa ating kinukunsulta sa usapang pinansyal.
Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng
paghanga ang mga komentarista. Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote:
“Keep an eye on the Philippines.”
Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100, nagsabing
maaari daw tayong maging, and I quote, “Asia’s
Next Tiger.” [Applause] Sabi ni
Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and Global Macro ng Morgan
Stanley, I quote: “The Philippines
is no longer a joke.” At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil
tinatayang isang bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong
bansa. [Applause] Sana nga po, ang kaliwa’t
kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na tagapagbalita. [Applause]
Sinisiguro po nating umaabot ang kaunlaran
sa mas nakakarami. Alalahanin po natin: Nang mag-umpisa tayo, may 760,357 na
kabahayang benepisyaryo ang Pantawid
Pamilyang Pilipino Program. Tinarget [target] natin itong paabutin
sa 3.1 million sa loob ng dalawang taon. Pebrero pa lang po ng taong ito,
naiparehistro na ang ikatlong milyong kabahayang benepisyaryo ng Pantawid
Pamilya. [Applause] Sa
susunod na taon naman, palalawakin pa natin ang sakop nito sa 3.8 milyong
bahay; limang beses po ang laki niyan sa dinatnan natin.
Pangmatagalan po ang impact ng proyektong
ito. Hindi pa kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang, maganda na ang
ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD: May 1,672,977 na mga inang
regular nang nagpapacheck-up. Idagdag pa natin, 1,672,814 na mga batang
napabakunahan laban sa diarrhea, polio, tigdas, at iba pa. Four point
fifty-seven million na estudyanteng hindi na napipilitang mag-absent dahil sa
kahirapan. [Applause]
Sa kalusugan naman po: Nang dumating tayo,
animnapu’t dalawang porsiyento lamang ng mga Pilipino ang naka-enrol sa
PhilHealth. Ang masaklap, hindi pa masiguro kung lahat sila ay kabilang sa mga
totoong nangangailangan ng kalinga ng estado, o buwenas lang na malapit sa
politiko. Ngayon po, 85 percent ng lahat ng mamamayan, miyembro na nito. [Applause] Ang ibig pong sabihin, 23.31 million na
Pilipino ang naidagdag sa mga saklaw ng PhilHealth mula nang bigyan tayo ng
mandato. [Applause]
Ang maganda pa rito: ang 5.2 million na
pinakamahirap na kabahayang tinukoy ng National Household Targeting System,
buong-buo at walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng PhilHealth. [Applause] Dahil po sa No Balance Billing policy ng
Department of Health, ang lunas para sa dengue, pneumonia, asthma, katarata,
gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic disease tulad ng breast cancer,
prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap
nating kababayan. [Applause]
Ito po ang proseso
ng pagpapagamot para sa kanila: Papasok ka sa alinmang ospital ng gobyerno.
Ipapakita mo ang iyong PhilHealth card. Magpapagamot ka. At uuwi kang maginhawa
nang walang inilabas ni isang kusing.
Sabi nga po sa isa sa mga briefing na
dinaluhan natin, apat sa sampung Pilipino, hindi man lamang nakakakita ng
health professional sa tanang buhay nila. Sa iba po, mas malaki pa: may
nagsasabing anim sa bawat sampung Pilipino ang pumapanaw nang malayo sa kalinga
ng health professional. Anuman ang ating pagbatayan, hindi po maikakaila:
nakakabahala ang bilang ng mga Pilipinong hindi naaabot ang serbisyong
pangkalusugan ng pamahalaan. Tinutugunan na po natin ito. Mula sa sampung libo
noong dumating tayo, umabot na sa 30,801 ang mga nurse at midwife na ating
nai-deploy sa ilalim ng RNHeals Program. [Applause]
Idagdag pa po natin sa kanila ang mahigit labing-isang libong Community Health
Teams na nagsisilbing tulay upang higit na mapatibay ang ugnayan ng mga doktor
at nurse sa komunidad.
At kung dati tutungo lamang ang mga nurse
kung saan makursunadahan ng kanilang hepe, ngayon, dahil sa tamang targeting, kung
saan sila kailangan, doon sila ipinapadala: [applause]
sa mga lugar na matagal nang naiwan sa laylayan ng lipunan. Ipinadala po ang
ating mga health professional sa 1,021 na pook na saklaw ng Pantawid Pamilya,
at sa 609 na pinakamahihirap na lungsod at munisipyo, ayon sa pag-aaral ng
National Anti-Poverty Commission. [Applause]
Dalawang problema
po ang natutugunan nito: bukod sa nagkakatrabaho at nabibigyan ng work
experience ang libu-libong nurse at midwife na dati ay walang mapaglalaanan ng
kanilang kaalaman, nagiging abot-kamay din ang dekalidad na kalinga para sa
milyun-milyon nating kababayan.
Subalit hindi pa
po tayo makukuntento rito, dahil ang hangad natin: kalusugang pangkalahatan.
Nagsisimula ito, hindi sa mga pagamutan, kundi sa loob mismo ng kanya-kanya
nating tahanan. Ibayong kaalaman, bakuna, at checkup ang kailangan upang
mailayo tayo sa karamdaman. Dagdag pa po diyan ang pagsisikap nating iwasan ang
mga sakit na puwede namang iwasan.
Halimbawa:
Nabanggit ko ang mosquito traps kontra dengue noong nakaraang taon. Alam naman
po ninyo, ang mga syantipiko mahigpit sa pagsisiyasat. Maaga pa para sabihing
siguradong-sigurado na tayo, pero nakakaengganyo po ang mga paunang resulta
nitong programang ito.
Sinubok natin ang bisa ng mosquito traps
sa mga lugar kung saan naitala ang pinakamataas na insidente ng dengue. Sa
buong probinsya ng Bukidnon noong 2010, may 1,216 na kaso. Nang inilagay ang
mga mosquito trap noong 2011: mukhang nakatulong dahil bumaba ito sa tatlumpu’t
pito; 97 percent raw po ang reduction po ito. [Applause] Sa bayan ng Ballesteros at Claveria sa
Cagayan, may 228 na kaso ng dengue noong 2010. Pagdating ng 2011, walo na lang
ang naitala. Sa Catarman, Northern Samar: 434
na kaso ng dengue noong 2010, naging apat na lang noong 2011. [Applause]
Panimulang pag-aaral pa lamang po ito.
Pero ngayon pa lang, marapat na yata nating pasalamatan sina Secretary Ike Ona
ng DOH at Secretary Mario Montejo ng DOST, [Applause]
Wala ho tayong masyadong umento, baka sa palakpak n’yo’y ganahan silang lalong
magsaliksik at mag-ugnayan.
Marami pa po
tayong kailangang solusyonan. Nakakabahala ang mataas pa ring maternal
mortality ratio ng bansa. Kaya nga po gumagawa tayo ng mga hakbang upang
tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng kababaihan. Nais din nating
makamit ang Universal Health Care, at magkaroon ng sapat na kagamitan,
pasilidad, at tauhan ang ating mga institusyong pangkalusugan.
Sa pagtugon natin sa mga ito, malaki ang
maiaambag ng Sin Tax Bill.
Maipasa na po sana
ito sa lalong madaling panahon. [Applause]
Mababawasan na ang bisyo, madadagdagan pa ang pondo para sa kalusugan.
Ano naman kaya ang
sasalubong sa kabataan pagpasok sa paaralan? Sa lilim ng puno pa rin kaya sila
unang matututo ng abakada? Nakasalampak pa rin kaya sila sa sahig habang
nakikipag-agawan ng textbook sa kaklase nila?
Matibay po ang pananalig natin kay
Secretary Luistro: Bago matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating
66,800 na kakulangan sa silid-aralan. [Applause]
Ulitin ko po, next year pa po ‘yan; 40,000 pa lang ho this year. Ang minana po
nating 2,573,212 na backlog sa upuan, tuluyan na rin nating matutugunan bago
matapos ang 2012. [Applause] Sa taon
din pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang
maabot na, sa wakas, ang one is to one ratio ng aklat sa mag-aaral. [Applause] Sana
nga po, ngayong paubos na ang backlog sa edukasyon, sikapin nating huwag uling
magka-backlog dahil sa dami ng estudyante. Sa tingin ko po, Responsible Parenthood ang sagot dito. [Applause]
At para naman po hindi mapag-iwanan ang
ating mga State Universities and Colleges, mayroon tayong panukalang 43.61
percent na pag-angat sa kanilang budget para sa susunod na taon. [Applause] Paalala lang po: lahat ng ginagawa natin,
may direksyon; may kaakibat na kondisyon ang dagdag-budget na ito. Kailangang
ipatupad ang napagkasunduang SUC Reform Roadmap ng CHED at ng kaukulang state
universities and colleges, upang siguruhing dekalidad ang magiging produkto ng
mga pamantasang pinopondohan ng estado. Kung mataas ang grado ninyo sa
assignment na ito, asahan ninyong dodoblehin din namin ang kayod para matugunan
ang mga natitirang pangangailangan po ninyo. [Applause]
Panay addition po ang
nagaganap sa ating budget sa edukasyon. Isipin po ninyo: ang budget ng DepEd na
ipinamana sa atin noong 2010, 177 billion pesos. Ang panukala natin para sa
2013: 292.7 billion pesos. [Applause] Noong
2010, 21.03 billion pesos ang budget para sa SUCs. Taunan po iyang dinagdagan
upang umabot na sa 37.13 billion pesos na panukala natin para sa 2013. [Applause] Pero sa kabila nito, ngayon pa lang, may
nagpaplano nang magcut-classes para mag-piket sa Mendiola. Ganito po kasimple:
ang 292.7 ay mas malaki sa 177, at ang 37.13 ay mas malaki sa 21.03. Kaya kung
may magsasabi pa ring binawasan natin ang budget ng edukasyon o magsasabi pa
ring binawasan natin ang budget ng edukasyon, kukumbinsihin na lang namin ang
inyong mga paaralan na maghandog ng remedial math class para sa inyo. [Laughter and applause] At sana
po, sa mga klaseng ‘to, pakiusap namin, sana
itong klaseng remedial na nga eh pasukan naman po ninyo.
Nang maupo tayo,
at masimulan ang makabuluhang reporma, minaliit ng ilan ang pagpapakitang-gilas
ng pamahalaan. Kundi raw buwenas, ningas-kugon lang itong mauupos rin paglaon.
May ilan pa rin pong ayaw magretiro sa paghahasik ng negatibismo; silang mga
tikom ang bibig sa good news, at ginawang industriya na ang kritisismo.
Kung may problema
kayo na bago matapos ang taon, bawat bata ay may sarili nang upuan at aklat,
tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw kong makapag-aral
ka.”
Kung masama ang
loob ninyo na ang 5.2 million na pinakamahihirap na kabahayang Pilipino ay
maaari nang pumasok sa ospital nang hindi iniintindi ang gastos sa
pagpapagamot, tingnan ninyo sila ulit, mata sa mata, at sabihin ninyong, “Ayaw
kong gumaling ka.”
Kung nagagalit kayo na may tatlong milyong
pamilyang Pilipino nang tumutungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap dahil
sa Pantawid Pamilya, tingnan ninyo sila, mata sa mata, at sabihin ninyong,
“Ibabalik ko kayo sa kawalan ng pag-asa.” [Applause]
Tapos na ang panahon
kung kailan choice lang ng makapangyarihan ang mahalaga. Halimbawa, ang dating
namumuno sa TESDA, nagpamudmod ng mga scholarship voucher; ang problema, wala
palang nakalaang pondo para rito. Natural, tatalbog ang voucher. Ang napala:
2.4 billion pesos ang sinisingil ng mahigit isanlibong eskwelahan mula sa
pamahalaan. Nagpapapogi ang isang tao’t isang administrasyon; sambayanang
Pilipino naman ang pinagbabayad ngayon.
Pumasok si Secretary Joel Villanueva; [applause] hindi siya nagpasindak sa tila imposibleng
pagbabagong dapat ipatupad sa kanyang ahensya. Sa kabila ng malaking utang na
minana ng TESDA, 434,676 na indibidwal pa rin ang kanilang hinasa sa
ilalim ng Training for Work Scholarship Program. [Applause] Kongkretong tagumpay din po ang hatid ng TESDA
Specialista Technopreneurship Program (mas mahirap pong bigkasin kaysa sa
resulta). Biruin po ninyo, bawat isa sa 5,240 na sertipikadong Specialistas,
kumikita na ngayon ng 562 pesos kada araw o 11,240 pesos kada buwan. Mas malaki
pa po ito sa minimum wage. [Applause]
Mula sa
pagkasanggol, hanggang sa pagkabinata, gumagana na ang sistema para sa
mamamayan. Sinisiguro nating manganganak ng trabaho ang pagsigla ng ating
ekonomiya.
Alalahanin po natin, para tumabla lang,
kailangang makalikha taun-taon ng isang milyong bagong trabaho para sa mga new
entrants. Ang nalikha po natin sa loob ng dalawang taon: halos 3.1
million na bagong trabaho. [Applause]
Ito po ang dahilan
kung bakit pababa nang pababa ang unemployment rate sa bansa. Nang dumating
tayo, eight percent ang unemployment rate. Naging 7.2 ito noong Abril ng 2011,
at bumaba pa lalo sa 6.9 ngayong taon, sa buwan rin ng Abril. ‘Di po ba
makatwirang mangarap na balang araw, bawat Pilipinong handang magbanat ng buto,
may mapapasukang trabaho?
Tingnan na lamang po natin ang BPO sector.
Noong taong 2000, limanlibo katao lang ang naempleyo sa industriyang ito. Fast
forward po tayo: 638,000 katao na ang nabibigyang trabaho ng mga BPO, at
labing-isang bilyong dolyar ang ipinasok nito sa ating ekonomiya noong taong
2011. Ang projection nga po, pagdating ng 2016, kung saan ako po ay magpapaalam
na sa inyo, 25 billion dollars na ang maipapasok nito, at makakapag-empleyo ng
1.3 million na mga Pilipino. [Applause]
Hindi pa po kasama rito ang tinatayang aabot sa 3.2 million na mga taxi driver,
barista, mga sari-sari store, karinderya, at marami pang ibang makikinabang sa
mga indirect jobs na malilikha dahil sa BPO industry.
Malaking bahagi
din po ng ating job-generation strategy ang pagpapatayo ng sapat na imprastruktura.
Sa mga nakapagbakasyon na sa Boracay, nakita na naman ninyo ang bagong-binyag
nating terminal sa Caticlan. Nakalatag na rin po ang plano upang palawakin ang runway nito.
Magkakaroon pa po ‘yan ng mga kapatid.
Bago matapos ang aking termino, nakatayo na ang New Bohol Airport sa Panglao, [applause] New Legaspi Airport sa Daraga, at
Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. [Applause]
Ia-upgrade na rin po natin ang ating international airports sa Mactan, Puerto
Princesa, at Tacloban. [Applause] Dagdag pa
po diyan ang pagpapaganda ng mga airport sa Butuan, Cotabato, Dipolog,
Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte, at San Vicente sa Palawan.
[Applause] Kami po
sa Tarlac ay maghihintay na lang. [Laughter]
Pang-apat na Pangulo na po akong sasalo sa
problema ng NAIA 3. Hindi lang po eroplano ang nag-take off at nag-landing
dito: maging mga problema’t anomalya, lumapag din. Nagbitiw na po ng salita si
Secretary Mar Roxas: bago tayo magkita sa susunod na SONA, maisasaayos na ang
mga structural defects na minana natin sa NAIA 3. [Applause]
Nitong Hunyo po, nagsimula na ring umusad
ang proseso para sa LRT Line 1 Cavite Extension project, na magpapaluwag sa
trapik sa Las Piñas, Parañaque, at Cavite.
[Applause] Dagdag pa
diyan, para lalong mapaluwag ang traffic sa Kamaynilaan at mapabilis ang
pagtawid mula North Luzon hanggang South Luzon Expressway, magkakaroon ng
dalawang elevated NLEX–SLEX connector. Matatapos po ang mga ito sa 2015. [Applause] Magiging one hour and 40 minutes na lang ang
biyaheng Clark papuntang Calamba oras na
makumpleto ang mga ito. Bago po tayo bumaba sa puwesto, nakatayo na rin ang mga
dekalidad na terminal sa Taguig, Quezon
City, at Parañaque na paparadahan ng bus biyaheng
probinsya, [applause] upang
hindi na sila makisiksik pa sa EDSA.
Nagbago na po ang takbo ng usapan tungkol
sa ahensyang dati’y itinuturing na pugad ng kapalpakan. Naalala ko po dati:
Kapag tag-ulan at umapaw ang Tarlac
River, nalulunod ang MacArthur Highway.
Tutunawin nito ang aspalto; magbabaku-bako ang kalsada hanggang sa tuluyan na
nga itong mawawala. Bilang kinatawan noon ng aking distrito, inireklamo ko po
ito. Ang tugon ng DPWH: alam namin ang problema, alam namin ang solusyon, pero
wala kaming pera. Kinailangan ko pong makiusap sa aking mga barangay, at ang
sabi ko po sa kanila ay “Kung hindi natin ito uunahin, walang gagawa nito, at
tayo rin ang mapeperhuwisyo.” Dati, panay ang “hoy, gising!” sa gobyerno, bakit
wala daw kasing ginagawa. Ngayon ang reklamo, “Sobra namang trapik, ang dami
kasing ginagawa.” [Laughter and applause]
Paalala lang din po: naisasaayos na natin ang mga kalsadang ito nang hindi
nagtataas ng buwis. [Applause]
Bubuo tayo ng mga daanan, hindi ayon sa
kickback o kursonada, pero ayon sa isang malinaw na sistema. Dahil hindi na
bara-bara ang paglalagak natin ng pondo para sa mga proyekto, hindi na ito
mapapako sa plano,
totoong kalsada na ang pakikinabangan ng Pilipino. Nang maupo po tayo sa
puwesto, 7,239 kilometers sa ating national road network ang hindi pa
naisasaayos. One thousand five hundred sixty-nine kilometers na nito ang
naipaayos natin sa ilalim ng pamamahala ni Secretary Babes Singson; [applause] sa 2012—2,275 kilometers pa ang maidadagdag
na natapos na rin po. Pati po ang mga kalsada at kurbadang mapanganib,
tinutukoy at inaayos na gamit ang pinakabagong teknolohiya. Taun-taon po nating
bubunuin ito, upang bago matapos ang aking termino, bawat pulgada ng ating
national road network, maayos na po. Siyempre ‘wag lang po n’yo dagdagan ang
national road network.
Hindi lang kalsada, kundi pati sistema,
isinasaayos sa DPWH. Dahil sa pagsunod sa tamang proseso ng bidding at
procurement, 10.6 billion pesos na ang natipid ng kanilang ahensya mula 2011
hanggang nitong Hunyo. [Applause] Maging
mga kontratista, batid ang positibong bunga ng reporma sa DPWH. Sabi nga po
nila, “Ang top 40 na kontratista, fully booked na raw po.”
Sana po hindi maantala ang pagpapatayo natin
ng iba pang imprastraktura para hindi rin mapurnada ang paglago ng ibang
industriya.
Kaakibat ng pagpapaunlad ng imprastruktura
ang paglago ng turismo. Isipin po ninyo: Noong 2001, ang tourist arrivals sa
ating bansa, 1.8 million. Nang dumating po tayo noong 2010, naglalaro ito sa
3.1 million. Mantakin po ninyo: sa hinaba-haba ng kanilang administrasyon, ang
naidagdag nilang tourist arrivals, 1.3 million lamang; may ambag pa kaming
kalahating taon diyan. Tayo naman po, Hunyo pa lang ng 2012—2.1 million na
turista na ang napalapag. [Applause] Mas
marami pang dadagsa sa peak season bago matapos ang taon, kaya hindi ako
nagdududang maaabot natin ang quota na 4.6 million na turista para sa 2012. [Applause] Ibig sabihin po, 1.5 million na turista ang
ating maidadagdag. Samakatuwid, sa dalawang taon, mas malaki ang magiging
paglago ng ating tourist arrivals, kumpara sa naidagdag ng pinalitan natin sa loob
ng siyam at kalahating taon. Hindi po tayo nagtataas ng bangko; nagsasabi lang
po tayo ng totoo. [Applause]
Pero hindi nakuntento rito si Secretary
Mon Jimenez. Sabi niya, kung sa Malaysia may bumisitang 24.7 million na turista
noong 2011, at kung sa Thailand naman tinatayang 17 million, sa dinami-rami ng
magagandang tanawin sa ating bansa, hindi naman siguro suntok sa buwan kung
mangarap tayong pagdating ng 2016, sampung milyong turista na ang bibisita sa
Pilipinas kada taon. [Applause] Kung
patuloy na magkakaisa ang sambayanang Pilipino, gaya
ng ipinamalas nating hirangin ang Puerto
Princesa Underground
River bilang isa sa New
Seven Wonders of Nature, walang dudang makakamtan natin ito. Ang pahayag nga po
natin sa daigdig: “It’s more fun in the Philippines.” [Applause] Kahit wala pang isang taon sa puwesto si
Secretary Mon Jimenez, nagagapas na natin ang positibong bunga ng ating mga
naipunlang reporma. Masasabi nga po nating pagdating sa turismo, “It’s really
fun—to have Secretary Mon Jimenez as our Secretary.” [Applause]
Kung paglago po
ang usapan, nasa tuktok ng listahan ang agrikultura. Kayod-kalabaw po si
Secretary Alcala upang makapaghatid ng mabubuting balita. Binisita po
niya ang lahat ng probinsya hindi para mangampanya sa sarili pero para ikampanya
ang programa ng Department of Agriculture. Dati, para bang ang pinapalago ng
mga namumuno sa DA ay ang utang ng NFA. Twelve billion pesos ang minana nilang
utang; ang ipinamana naman nila sa atin, 177 billion pesos.
Hindi po ba’t noon, pinaniwala tayo na 1.3
million metric tons ang kakulangan sa bigas, at para tugunan ito, ‘di bababa sa
two million metric tons ang kanilang inangkat noong 2010. Parang unlimited rice
sila kung maka-order ng bigas, pero dahil sobra-sobra, nabubulok lang naman ito
sa mga bodega. Ang 1.3 million metric tons, unang taon pa lang, napababa na
natin sa 860,000 metric tons. [Applause]
Ngayong taon, 500,000 na lang, kasama pa ang buffer sakaling abutin tayo ng
bagyo. [Applause] Huwag
lang po tayong pagsungitan ng panahon, harinawa, sa susunod na taon ay puwede
na tayong mag-export ng bigas. [Applause]
Ang sabi po ni Secretary Alcala: ang susi
dito, makatotohanang programa sa irigasyon, at masigasig na implementasyon ng
certified seeds program. [Applause] Ang
masakit po, hindi bagong kaalaman ito; hindi lang ipinapatupad. Kung dati pa
sila nagtrabaho nang matino, nasaan na kaya tayo ngayon?
Tingnan rin po natin ang industriya ng
niyog at ang cocowater na dati tinatapon lang, ngayon, napapakinabangan na ng
magsasaka. Noong 2009—483,862 liters ng cocowater ang iniluwas natin. Umangat
po ito ng 1,807,583 liters noong 2010. Huwag po kayong magugulat, noong 2011,
16,756,498 liters [applause]—puwede ho
bang ulitin iyon?—16,756,498 liters ng cocowater ang in-export ng Pilipinas.
Ang coco coir naman, kung dati walang pumapansin, ngayon may shortage na dahil
pinapakyaw ng mga exporter. Hindi natin sasayangin ang pagkakataong ito. Bibili
pa tayo ng mga bagong makinang magpoproseso ng bunot para makuha ang mga
hiblang ginagawa mula sa coco coir. Sa susunod na taon, lalo nating
mapapakinabangan ang industriya ng niyog. Naglaan na tayo ng 1.75 billion pesos
upang mamuhunan at palaguin ito. [Applause]
Sinimulan po ng aking ina ang
Comprehensive Agrarian Reform Program. Nararapat lamang na matapos ang
programang ito sa panahon ng aking panunungkulan. [Applause]
Isinasaayos na po ang sistema upang
mapabilis ang pagpapatupad ng repormang agraryo. Ginagawa ng pamahalaan ang
lahat ng hakbang upang maipamahagi sa ating magsasaka ang mga lupaing diniligan
at pinagyaman ng kanilang pawis. Subalit mayroon pa rin pong ayaw paawat sa
pagtatanim ng mga balakid. Ang tugon ko sa kanila: susunod tayo sa batas. Ang
atas ng batas, ang atas ng taumbayan, at ang atas ko: Bago ako bumaba sa
puwesto, naipamigay na dapat ang lahat ng lupaing sakop ng CARP. [Applause]
Liwanagin naman po natin ang nangyayari sa
sektor ng enerhiya. Mantakin po ninyo: Dati po, umabot lang ang kawad ng
kuryente sa barangay hall, “energized” na raw ang buong barangay. Kaya ganoon
na lang kung ipagmalaki nilang 99.98 percent na raw ng mga barangay sa bansa
ang may kuryente. Pati ba naman sa serbisyong dapat ay matagal nang
napapakinabangan ng Pilipino, nagkakagulangan pa? Kaya nga po, para subukan ang
kakayahan ng DOE at NEA, naglaan tayo ng 1.3 billion pesos para pailawan ang
unang target na 1,300 sitios, sa presyong isang milyong piso bawat isa. Nang
matapos sila, ang napailawan sa inilaan nating pondo: 1,520 sitios, at gumastos
lamang sila ng 814 million pesos. [Applause]
Nagawa nila ito sa loob lamang ng tatlong buwan, at mas marami pa pong gagawin
dito hangga’t matapos ang 36,000 sitiong walang kuryente. Kay Secretary Rene
Almendras, bilib talaga ako sa iyo; parang hindi ka nauubusan ng enerhiya. Sa
paghahatid-serbisyo, hindi ka lang eveready, nagmistulang energizer bunny ka
pa—you keep on going, and going, and going. [Applause]
Nangingibabaw na
nga po ang liwanag sa ating bayan—liwanag na nagsiwalat sa krimeng nagaganap sa
madidilim na sulok ng lipunan. Ang pinagsisikapang kitain ng Pilipino, hindi na
magagantso. Patuloy po ang pagbaba ng crime volume sa buong bansa. Ang mahigit
limandaan libong krimen na naitala noong 2009, mahigit kalahati po ang nabawas:
246,958 na lamang iyan nitong 2011. Dagdag pa rito, ang dating dalawanlibo’t
dalawandaang kaso ng carnapping noong 2010, lampas kalahati rin ang ibinaba;
966 na lang po iyan pagdating ng 2011.
Ito nga po sana ang dalhin ng ating mga headline. Hindi
po natin sinasabing wala nang krimeng nagaganap, pero palagay ko naman po, wala
dapat magalit na nangalahati na ito. Si Raymond Dominguez na matagal nang
labas-masok sa kulungan, hindi ba’t sa loob lamang ng mahigit isang taon,
nasentensyahan at naipakulong na? Ang dalawa pa niyang kapatid ay sinampahan na
rin natin ng kaso at kasalukuyan na ring nakabilanggo. May dalawang suspect sa
bus bombing sa Makati
noong nakaraang taon, ang isa po’y pumanaw na; ‘yung isa, humihimas na ng
rehas. Kakosa niya ang mahigit sampung libong sangkot sa ilegal na droga na
inaresto ng PDEA nitong 2011. [Applause]
Alam po nating hindi araw-araw ang laban
ni Pacman, at hindi puwedeng iasa dito ang pagbaba ng krimen. Kaya nga po
pinalalakas natin ang puwersa ng kapulisan. ‘Di po ba, nang dumating tayo,
apatnapu’t limang porsyento ng ating kapulisan ang walang baril at umaasa sa
anting-anting habang tumutugis ng masasamang-loob? [Laughter] May nanalo na po sa bidding, tinitiyak na
lamang nating dekalidad ang kanilang mga produkto. Pagkatapos ng proseso, at
itong taon po nating inaasahan ito, maipagkakaloob na ang 74,600 na baril na
magagamit nila upang ipagtanggol at alagaan ang bayan, lipunan, at sarili. [Applause]
Dumako naman po tayo sa usapin ng
pambansang tanggulan. May mga nagsabi na po na ang ating Air Force, “all air,
at no force.” [Laughter] Imbes na
alagaan ng estado, para bang sinasadyang ilagay sa alanganin ang ating mga
sundalo. Hindi po tayo makakapayag na manatiling ganito.
Makalipas nga lang po ang isang taon at
pitong buwan, nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso
para sa AFP Modernization Program. Aabutan na nito ang tatlumpu’t tatlong
bilyong pisong pondo na ipinagkaloob sa nasabing programa sa nakalipas na
labinlimang taon. [Applause]
Bumubuwelo pa lang po tayo sa lagay na ‘yan. Kapag naipasa na ang panukala
nating AFP modernization bill sa Kongreso, makakapaglaan tayo ng pitumpu’t
limang bilyong piso para sa susunod na limang taon.
Kasado na rin po
ang tatlumpung milyong dolyar na pondong kaloob ng Estados Unidos para sa
Defense Capability Upgrade and Sustainment of Equipment Program ng AFP. Bukod
pa po ito sa tulong nila upang pahusayin pa ang pagmanman sa ating mga baybayin
sa ilalim ng itatayong Coast Watch Center ng Pilipinas.
Nagka-canvass na rin po ang Sandatahang
Lakas ng mga kagamitan tulad ng mga kanyon, armored personnel carrier, at
frigates. Hindi magtatagal, dadaong na ang karelyebo ng BRP Gregorio del Pilar sa ating pampang. Sa Enero, aangkla na
po sa Pilipinas ang BRP Ramon Alcaraz, ang pangalawa nating Hamilton class
cutter. ‘Di na po bangkang papel ang ating ipapalaot; [applause] ngayon, mga hi-tech at dekalidad na barko na
ang tatanod sa 36,000 kilometers nating coastline.
Mainam na rin po siguro kung
maglilinis-linis na ng mga hangar ang ating Sandatahang Lakas, dahil darating
na ang mga kagamitang lalong magpapatikas sa ating tanggulan. Sa wakas, may
katuwang na po ang kaisa-isa nating C-130 na tatlumpu’t anim na taon nang
rumoronda sa himpapawid. Dalawa pang C-130 ang magiging operational ulit sa
taong ito. Bago matapos ang taong ito, inaasahan nating maide-deliver na ang
binili nating dalawampu’t isang refurbished UH-1H Helicopter, apat na combat
utility helicopters, mga radyo’t iba pang communication equipment, rifles,
mortars, mobile diagnostic laboratories, kasama na ang bullet station assembly
para sa arsenal. [Applause] Pagdating
naman po ng 2013, lalapag na ang sampung attack helicopters, dalawang naval
helicopters, dalawang light lift aircraft, isang frigate, at mga force
protection equipment. [Applause]
At hindi lang po natin sa armas
ipinaparamdam ang pagkalinga sa ating pulis at kasundaluhan. Nabawasan na rin
po ang mga pasanin nila sa pamumuhay dahil sa mahigit dalawampu’t dalawang
libong bahay ang naipatayo na sa ilalim ng AFP–PNP housing program. [Applause]
Hindi po ito
tungkol sa pakikipaggirian o pakikipagmatigasan. Hindi ito tungkol sa
pagsisiga-sigaan. Tungkol ito sa pagkamit ng kapayapaan. Tungkol ito sa
kakayahan nating ipagtanggol ang ating sarili—isang bagay na kaytagal nating inisip
na imposible. Tungkol po ito sa buhay ng isang sundalong araw-araw sumasabak sa
peligro; tungkol ito sa pamilya niyang nag-aabang na makabalik siyang ligtas,
ano man ang kanyang makaharap. Hayaan po nating ang ilang mga benipisyaryo ang
magsabi sa pagbabago ng buhay po nila:
[Video starts]
“Nagpapasalamat sa
Poong Maykapal. Binigyan kami ng ganitong pagkakataon—binigyan ng blessing na
ganito. Pangalawa, ‘yung pagkakaroon nating ng mabait na pangulo. Itong
proyekto na ito ay hindi niya kami pinababayaan—mga kapulisan at mga
sundalo—sandatahan ng ating Pilipinas.” - SPO1 Domingo
Medalla [PNP Housing Beneficiary]
“Kinakaya namin,
Ma’am. Pero ginagawan ko talaga ng paraan na makapasok sila [sa eskuwela]. ‘Yun
lang talaga, ma’am, ang misyon ko sa buhay na mapaaral sila, maibigay ko ‘yung
tamang edukasyon, na hindi maging gusgusin ang anak ko, hindi kaawa-awa[an] ng
mga tao, may magulang na dapat magtaguyod. At, napapasalamat ako sa Pantawid
[Pamilya Program], ma’am, dahil may natutunan ako ditong malaki.” - Eva
Neri [CCT beneficiary]
“Malaking tulong
na isa kami—ang alam ko kauna-unahan na nakinabang at nakikinabang pa sa
package na ‘to na Category Z Package ng Philhealth. Nagpapasalamat kami nang
sobra at hindi man maganda na nagkaroon ng sakit ang anak ko, pero
mayroong PhilHealth na tutulong at handang tumulong sa mga gastusin namin.”
- Kristine Tatualla [PhilHealth beneficiary]
“Noong araw na
nasama sa isang Oakwood Mutiny—‘yung pinaglalaban namin, ito na po ‘yung
hinihintay namin para sa pagbabago at ito na po ang pagkakataon natin para
magkaroon tayo ng sariling bahay lalong lao na sa programa ng ating presidente
na si Benigno Aquino III.” - PFC Rolly Bernal [AFP Housing Beneficiary]
[Video ends]
At ngayon ngang inaaruga na sila ng
taumbayan, lalo namang ginaganahan ang ating kasundaluhan na makamtan ang
kapayapaan. Tagumpay pong maituturing ang dalawandaan at tatlong rebeldeng
sumuko at nagbabalik-loob na sa lipunan, at ang 1,772 na bandidong nawakasan na
ang karahasan. Halimbawa po, ang kilabot na teroristang si Doctor Abu, na hindi
na makakapaghasik ng kaniyang lagim. Nagpupugay rin po tayo sa panunumbalik ng
katahimikan sa mga lugar na matagal nang biningi ng putukan. Ang resulta nga po
ng bayanihan: 365 na barangay ang naagaw sa kamay ng kaaway, 270 na gusali’t
paaralan ang naipaayos, at 74 health centers ang naipagawa. [Applause]
Kung kapayapaan na lang din po ang usapan,
dumako naman tayo sa lugar na matagal naging mukha ng mga mithiing ‘di
makamtan-kamtan. Bago po magsimula ang mga reporma natin sa ARMM, at alam naman
po n’yo, may mga ghost students doon, na maglalakad sa isang ghost road, tungo
sa isang ghost school, para magpaturo sa isang ghost teacher. Ang mga aparisyon
pong gumulantang kay OIC Governor Mujiv Hataman: [applause] Apat na eskuwelahan na natagpuang may ghost
students; iniimbestigahan na rin ang mga teacher na hindi lumilitaw ang
pangalan sa talaan ng Professional Regulation Commission, gayundin ang mga
tauhan ng gobyernong hindi nakalista sa plantilya. Limampu’t limang ghost entry
ang tinanggal sa payroll. Ang dating paulit-ulit na pagsasaboy ng graba sa
kalsada para lang pagkakitaan ng pera, bawal na. Wala nang cash advance sa mga
ahensya, para maiwasan ang pagsasamantala. Ang mga multo sa voters list,
mapapatahimik na ang kaluluwa. [Applause]
Kaya nga po kay OIC Gov. Mujiv Hataman, ang masasabi natin: talaga namang isa
ka nang certified ghost buster.
Ang pumalit po, at pinapalit na: pabahay,
tulay, at learning center para sa mga Badjao sa Basilan. Mga community-based
hatchery, lambat, materyales para maglinang ng seaweeds, at punlang
napakinabangan ng 2,588 na mangingisda. Certified seeds, punla ng gabi,
cassava, goma, at mga punong namumunga para sa 145,121 na magsasaka. Simula pa
lang po iyan; nakalaan na ang 183 million pesos para sa mga municipal fishing
port projects sa ARMM; 310.4 million pesos para sa mga istasyon ng bumbero; 515
million pesos para sa malinis na inuming tubig; 551.9 million pesos para sa mga
kagamitang pangkalusugan; 691.9 million pesos para sa daycare centers; at 2.85
billion pesos para sa mga kalsada at tulay na babagtas sa rehiyon. Ilan lang po
iyan sa patutunguhan ng kabuuang 8.59 billion pesos na ipinagkaloob ng
pambansang gobyerno para isakatuparan ang mga reporma sa ARMM. [Applause] Lilinawin ko rin po, hindi pa kasama rito
ang taunang suportang natatanggap nila, na ngayong 2012 ay umabot sa 11.7
billion pesos. [Applause]
Miski po ang mga
dating gustong tumiwalag, nakikita na ang epekto ng reporma. Kinikilala natin
bilang pahiwatig ng kanilang tiwala ang nakaraang pitong buwan, kung kailan
walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng militar at ng MILF. Sa peace process
naman po, hayag at lantaran ang usapan. Nagpapamalas ang magkabilang panig ng
tiwala sa isa’t isa. Maaaring minsan, magiging masalimuot ang proseso; signos
lang po ito na malapit na nating makamit ang nag-iisa nating mithiin:
Kapayapaan.
Mapayapang pag-uusap rin po ang
prinsipyong isinulong natin upang mabuo ang ating Executive Order ukol sa
pagmimina. Ang kaisipan sa likod ng nabuong consensus: mapakinabangan ang ating
likas na yaman upang iangat ang buhay ng Pilipino, hindi lamang ngayon kundi
pati na rin sa susunod na salinlahi. Hindi natin pipitasin ang ginintuang bunga
ng industriyang ito, kung ang magiging kabayaran ay ang pagkasira ng kalikasan.
[Applause]
Ngunit unang hakbang lamang ito. Isipin po
ninyo, noong 2010, 145 billion pesos ang kabuuang halaga na nakuha mula sa
pagmimina, subalit 13.4 billion pesos lamang o siyam na porsyento ang napunta
sa kaban ng bayan. Ang likas na yaman, pag-aari ninyo; hindi tayo papayag na
balato lang ang mapupunta sa Pilipino. Umaasa po tayo sa pakikiisa ng Kongreso
upang makapagpasa ng batas na sisigurong napapangalagaan ang kalikasan at
matitiyak na makatarungan ang magiging pakinabang ng publiko at pribadong
sektor sa mga biyayang makukuha natin mula sa industriyang ito. [Applause]
Pag-usapan po
natin ang situwasyon sa Disaster Risk Reduction and Management. Dati, ang
gobyernong dapat tumutulong, nanghihingi rin ng tulong. Ngayon, nasa Pasipiko
pa lang ang bagyo, alam na kung saan idedestino ang ayuda, at may malinaw nang
plano upang maiwasan ang peligro.
Tuwing pag-uusapan
nga po ang sakuna, lagi kong naaalala ang nangyari po sa amin sa Tarlac noong
minsang bumagyo. Sa lakas ng ulan, bumigay ang isang dike. Nang nagising ang
atin pong barangay captain, tinangay na ng baha ang kanyang pamilya at mga
kagamitang pangsaka. Buti nga po’t nakaligtas ang buong mag-anak. Malas lang po
ng kalabaw nilang naiwang nakatali sa puno; nabigti ito sa lakas ng ragasa.
Walang kalaban-laban din po ang marami sa
tinamaan ng bagyong Ondoy, Pepeng, at Sendong. Napakarami pong nasawi sa
paghagupit ng mga delubyong ito. Sa ilalim ng bagong-lunsad na Project NOAH,
isinakay natin sa iisang bangka ang mga inisyatiba kontra-sakuna, at hindi na
rin po idinadaan sa tsamba ang paglilikas sa mga pamilya. Gamit ang
teknolohiya, nabibigyan na ng wastong babala ang Pilipino upang makapaghanda at
makaiwas sa disgrasya.
Real-time at direkta na ang pakinabang ng
walumpu’t anim na automated rain gauges at dalawampu’t walong water level
monitoring sensors natin sa iba’t ibang rehiyon. Bago matapos ang 2013, ang
target natin: animnaraang automated rain gauges at apatnaraan at dalawampu’t
dalawang water level sensors. Ipapakabit po natin ang mga ito sa labingwalong
pangunahing river basins sa buong bansa. [Applause]
Isa pa pong
pagbabago: Dati, ang mga ahensya’y kanya-kanyang habulan ng numero,
kanya-kanyang agenda, kanya-kanyang pasikatan. Ngayon, ang kultura sa gobyerno:
bayanihan para sa kapakanan ng taumbayan. Convergence po ang tawag natin dito.
Dati pa naman po
naglipana ang mga programa sa tree planting. Pero matapos magtanim, pababayaan
na lang ang mga ito. Kapag nakita ng mga komunidad na naghahanap din ng
kabuhayan, puputulin ang mga ito para gawing uling.
May solusyon na po rito. Mayroon na pong
128,558 hectares ng kagubatang naitanim sa buong bansa; bahagi lang po iyan ng
kabuuang 1.5 million na ektaryang matatamnan bago tayo bumaba sa puwesto. [Applause] Nakapaloob po rito ang mga komunidad na nasa
ilalim ng National Convergence Initiative. Ang proseso:
pagkatanim ng puno, makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga komunidad. Kapalit ng
conditional cash transfer, aalagaan ang mga puno; mayroon ding mga magpapalago
ng bagong punla sa nursery. Three hundred thirty-five thousand seventy-eight na
po ang mga Pilipinong nakakakuha ng kabuhayan mula dito.
Sa isa nga pong programa, nakiambag din
ang pribadong sektor, na nagbibigay ng espesyal na binhi ng kape at cacao sa
komunidad, at tinuturuan silang alagaan at siguruhing mataas ang ani.
Itinatanim ang kape sa lilim ng mga puno, na habang nakatayo ay masisigurong
hihigop ng baha at tutulong makaiwas tayo sa pinsala. Ang kumpanyang nagbigay
ng binhi, sure buyer na rin ng ani. Panalo po ang mga komunidad nay may dagdag
kita, panalo ang pribadong sektor, panalo pa ang susunod na salinlahing
makikinabang sa matatayog na puno. [Applause]
Matagal na pong problema ang illegal
logging. Mula nga po nang lumapag ang EO 23, nakasabat na si Mayor Jun Amante ng mahigit anim
na milyong pisong halaga ng troso. Nagpapasalamat tayo sa kanya. Sa Butuan pa
lang ito; paano pa kung magpapakita ng ganitong political will ang lahat ng
LGU?
Ang mga trosong
nakukumpiska ng DENR, lalapag sa mga komunidad na naturuan na ng TESDA ng
pagkakarpintero. Ang resulta: upuan para sa mga pampublikong paaralan na hawak
naman ng DepEd. Isipin po ninyo, ang dating pinagmumulan ng pinsala, ngayon,
tulay na para sa mas mabuting kinabukasan. Dati, imposible nga ito; imposible
kung nagbubulag-bulagan ang pamahalaan sa ilegal na gawain.
Kaya kayong mga walang konsensya; kayong
mga paulit-ulit isinusugal ang buhay ng kapwa Pilipino: maghanda na kayo. Tapos
na ang maliligayang araw po ninyo. [Applause]
Sinampolan na natin ang tatlumpu’t apat na kawani ng DENR, isang PNP provincial
director, at pitong chiefs of police. Pinagpapaliwanag na rin po natin ang
isang Regional Director ng PNP na nagbingi-bingihan sa aking utos at
nagbulag-bulagan sa mga dambuhalang trosong dumaan sa kanilang tanawin. Kung
hindi kayo umayos, isusunod namin kayo. Magkubli man kayo sa ilalim ng inyong
mga padrino, aabutan namin kayo. Isasama na rin namin ang mga padrino ninyo. [Applause] Kaya bago pa magkasalubong ang ating landas,
ako po’y muling makikiusap, mas maganda sigurong tumino na kayo.
Mula sa
sinapupunan, sa pag-aaral at pagtatrabaho, may pagbabago nang haharap sa
Pilipino. At sakaling piliin niyang magserbisyo sa gobyerno, tuloy pa rin ang
pag-aaruga ng estado hanggang sa kanyang pagreretiro. Tatanawin ng pamahalaan
ang kanyang ambag bilang lingkod-bayan, at hindi ipagdadamot sa kanya ang
pensiyong siya rin naman ang nagpuhunan.
Isipin po ninyo, at ako po’y nagulat dito:
may mga pensyonado tayong tumatanggap ng 500 pesos lamang kada buwan. Paano
kaya niya ito pagkakasiyahin sa tubig, kuryente, at pagkain araw-araw? Ang atin
pong tugon: Pagsapit ng bagong taon, hindi na bababa sa limanlibong piso ang
matatanggap na buwanang pensyon ng ating old-age and disability pensioners. [Applause] Masaya tayong matutugunan natin ang
pangangailangan nila ngayon, nang hindi isinusugal ang kapakanan ng mga
pensyonado bukas.
Iba na po talaga
ang mukha ng gobyerno. Sumasabay na po sa pribadong sektor ang ating pasahod
para sa entry level. Pero kapag sabay kayong na-promote ng kaklase mong
piniling mag-pribado, nagkakaiwanan na.
Mahahabol din po
natin iyan; pero sa ngayon, ang good news natin sa mga nagtatrabaho sa
pamahalaan: Performance-Based Incentives. Dati, miski palpak ang palakad ng
isang ahensya, very satisfactory pa rin ang pinakamababang rating ng empleyado.
Dahil sa pakikisama, nahihirapan ang bisor na bigyan ng makatarungang rating
ang mga tauhan niya. Nakakawawa tuloy ang mga mahusay magtrabaho. Nawawalan
sila ng dahilan para galingan dahil parehas lang naman ang insentibo ng mga
tamad at pursigido.
Heto po ang isa lamang sa mga hakbang
natin upang tugunan ito. Simula ngayong taon, magpapatupad tayo ng sistema kung
saan ang bonus ay nakabase sa pagtupad ng mga ahensya sa kanilang mga target
para sa taon. [Applause] Nasa
kamay na ng empleyado ang susi sa kanyang pag-angat. Ang insentibo, maaaring
umabot ng tatlumpu’t limang libong piso, depende sa pagpapakitang-gilas mo sa
iyong trabaho. Dagdag pa ito sa across-the-board na Christmas bonus na
matatanggap mo.
Ginagawa natin
ito, hindi lamang para itaas ang kumpiyansa at ipakita ang pagtitiwala natin sa
ating mga lingkod-bayan. Higit sa lahat, para ito sa Pilipinong umaasa sa tapat
at mahusay na serbisyo mula sa lingkod-bayan, at umaasang sila at sila lamang
ang itinuturing na boss ng kanilang pamahalaan.
Alam po niyo, sa
simula pa lang mayroon nang mga kumuwestiyon sa sinasabi nating, “Kung walang
corrupt, walang mahirap.” Hanggang ngayon mayroon pa rin pong mangilan-ngilang
nagtatanong: nakakain ba ang mabuting pamamahala? Ang simpleng sagot,
“Siyempre.”
Isipin po natin
ang ating pinanggalingan: Dati, parang “Wild West” ang pamumuhunan sa
Pilipinas. May peligro na nga ang negosyo, sinagad pa ang risko dahil sa di
tiyak at nakalihim na patakaran. Kakamayan ka nga gamit ang kanan, kokotongan
ka naman na gamit ang kaliwa.
Ngayon, dahil patas na ang laban, at may
hayag at hindi pabagu-bagong mga patakaran, patuloy ang pagtaas ng kumpiyansa
sa ating ekonomiya. Patuloy ang pagpasok ng puhunan; patuloy ang pagdami ng
trabaho; patuloy ang positibong siklo ng pagkonsumo, paglago ng negosyo, at
pagdami ng mamamayang naeempleyo. [Applause]
Dahil maayos ang paggugol ng gobyerno,
walang tagas sa sistema. Dahil maayos ang pangkolekta ng buwis, lumalago ang
kaban ng bayan. Bawat pisong nakokolekta, tiyak ang pupuntahan: Piso itong
diretso sa kalsada, piso para sa bakuna, piso para sa classroom at upuan, piso
para sa ating kinabukasan. [Applause]
Dahil maayos ang
paggawa ng tulay, kalsada, at gusali, itinatayo ang mga ito kung saan
kailangan. Maayos ang daanan, mas mabilis ang takbo ng produkto, serbisyo, at
mamamayan.
Dahil maayos ang
pamamahala sa agrikultura, tumataas ang produksyon ng pagkain, at hindi
pumapalo ang presyo nito. Stable ang pasahod, at mas malakas ang pambansang
ekonomiya.
Tunay nga po, ang
matatag at malakas na ekonomiyang pinanday ng mabuting pamamahala ang
pinakamabisang kalasag laban sa mga hamon na kinakaharap ng daigdig. Dalawang
taon po nating binaklas ang mga balakid sa pag-unlad, at ngayon, tayo na lang
mismo ang makakapigil sa ating sariling pag-angat.
Ginawa po natin ang
lahat ng ito habang binubuno rin ng bawat bansa sa iba’t ibang sulok ng daigdig
ang kani-kanilang problema’t pagsubok.
Hindi po tayo
nag-iisa sa mundo, kaya’t habang tinutugunan natin ang sarili nating mga
suliranin, angkop lamang na bantayan din ang ilang pangyayaring maaaring
makaapekto sa atin.
Naging maugong ang
mga kaganapan sa Bajo de Masinloc. May mga mangingisdang Tsinong pumasok sa
ating teritoryo. Nasabat ng barko natin at nasabad sa kanilang mga barko ang
endangered species. Bilang pinuno, kailangan kong ipatupad ang batas na umiiral
sa ating bansa. Sa pagsulong nito, nagbungguan ang Nine-Dash Line Theory ng mga
Tsino, na umaangkin sa halos buong West Philippine Sea, at ang karapatan natin
at ng marami pang ibang bansa, kasama na ang Tsina, na pinagtibay naman ng
United Nations Convention on the Laws of the Sea.
Ibayong hinahon
ang ipinamalas natin. Ang barko ng Hukbong Dagat, bilang tanda ng ating malinis
na hangarin, ay agad nating pinalitan ng barkong sibilyan. Hindi tayo
nakipagsagutan sa mga banat ng kanilang media sa atin. Hindi naman po siguro
kalabisan na hilingin sa kabilang panig na galangin ang ating karapatan, gaya
ng paggalang sa kanilang mga karapatan bilang kapwa bansang nasa iisang mundong
kailangang pagsaluhan.
Mayroon po tayong mga miron na nagsasabing
hayaan na lang ang Bajo de Masinloc; umiwas na lang tayo. Pero kung may pumasok
sa inyong bakuran at sinabing sa kanya na ang kanyang kinatatayuan ay sa kanya
na, papayag ba kayo? Hindi naman po yata tamang ipamigay na lang natin sa iba
ang sadyang atin talaga. [Applause]
Kaya nga po
hinihiling ko sa sambayanan ang pakikiisa sa isyung ito. Iisa lang po dapat ang
kumpas natin. Tulungan ninyo akong iparinig sa kabilang panig ang katuwiran ng
ating mga paninindigan.
Hindi po simple ang sitwasyon, at hindi
magiging simple ang solusyon. Magtiwala po kayo, kumokonsulta tayo sa mga
eksperto, at sa lahat ng pinuno ng ating bansa, pati na sa kaalyado
natin—gayundin sa mga nasa kabilang panig ng usaping ito—upang makahanap ng
solusyon na katanggap-tanggap sa lahat. [Applause]
Sa bawat hakbang
sa tuwid na daan, nagpunla tayo ng pagbabago. Ngunit may mangilan-ngilan pa
ring pilit na bubunot nito. Habang nagtatalumpati ako ngayon, may mga
nagbubulung-bulungan sa isang silid at hinihimay ang aking mga sinasabi;
naghahanap ng butas na ipambabatikos bukas. Sasabihin nila, “Salita lang ito,
at hindi totoo ang tuwid na landas.” Sila rin po ang magsasabing hayaan na,
magkaisa na; forgive and forget na lang para makausad na tayo.
Hindi ko po
matatanggap ito. Forgive and forget na lang ang sampung taon na nawala sa atin?
Forgive and forget na lang para sa magsasakang nabaon sa utang dahil sa
kakaangkat natin ng bigas, gayong puwede naman palang pagyamanin sa ating
sariling lupa?
Forgive and forget
na lang ba para sa pamilya ng isang pulis na namatay nang walang kalaban-laban,
dahil batuta lang ang hawak niya habang hinahabol ang armadong masasamang-loob?
Forgive and forget na lang ba para sa mga
naulila ng limampu’t pitong biktima ng masaker sa Maguindanao? Maibabalik ba
sila ng “forgive and forget?” [Applause]
Forgive and forget ang lahat ng atraso ng mga naglubog sa atin sa bulok na
estado? Forgive and forget para maibalik ang lumang status quo? Ang tugon ko,
“Ang magpatawad, maaari; ang makalimot, hindi.” [Applause] Kung ang nagkasala ay hindi mananagot,
gagarantiyahan mo ang pagpapahirap muli sa sambayanan.
Ang tunay na pagkakaisa at pagkakasunduan
ay magmumula lamang sa tunay at ganap na katarungan. Katarungan ang tawag sa
plunder case na isinampa laban sa dating pangulo. [Applause] Katarungan na bigyan siya ng pagkakataong
harapin ang mga akusasyon at ipagtanggol ang kanyang sarili. Katarungan ang
nasaksihan natin noong ikadalawampu’t siyam ng Mayo. Noong araw na iyon,
pinatunayan natin: Posibleng mangibabaw ang katarungan kahit na ang kabangga mo
ay may mataas na katungkulan. [Applause]
Noong araw na iyon, may isang Delsa Flores sa Panabo, Davao del Norte, na
nagsabing, “Posible palang iisang batas lang ang kailangang sundin ng court
interpreter na tulad ko, at ng Punong Mahistrado.” [Applause] Posible palang maging patas ang
timbangan; maaaring isakdal at panagutin miski ang mayaman at makapangyarihan.
Kaya po sa susunod na magiging Punong
Mahistrado, malaki ang inaasahan sa inyo ng sambayanan. Napatunayan na po
nating posible ang imposible; ang trabaho natin ngayon, siguruhing magpapatuloy
ang pagbabago tungo sa tunay na katarungan, matapos man ang ating termino. [Applause] Marami pong sira sa sistemang
kailangan ninyong kumpunihin, at alam kong hindi magiging madali ito. Alam ko
po kung gaano kabigat ang pasanin ng isang malinaw na mandato; ngunit ito ang
atas sa atin ng taumbayan; ito ang tungkuling ating sinumpaan; ito ang
kailangan nating gampanan.
Simple lang ang hangad natin: Kung
inosente ka, buong-loob kang haharap sa korte, dahil kampante kang
mapapawalang-sala ka. Kung ikaw ang salarin, anuman ang apelyido mo, o gaano
man karami ang titulong nakakabit sa iyong pangalan, may katiyakan din na
pananagutan mo ang ginawa mong kasalanan. [Applause]
Salamat din po kay Ombudsman Conchita
Carpio-Morales, [applause] sa
pagtanggap ng hamon na maging tunay na tanod-bayan. Kung tutuusin, puwede na
niyang tanggihan ang responsibilidad at sabihing, “Retirado na ako, puwede bang
‘yung iba na lang?” Subalit nangibabaw ang kaniyang malasakit sa bayan. Sa
kabila nito, may nagregalo pa rin sa kanya ng granada sa bahay. [Laughter] Ma’am, may mga darating pa pong pagsubok;
baka po paglaon, magaya na kayo sa akin na tinatawag, sabay-sabay pang
tinatawag, na ganid na kapitalistang o komunista din patungong diktador dahil
sa masigasig na mga repormang ipinapatupad natin.
Bilib po ako sa
inyong pagpapakitang-gilas at maraming salamat sa pagiging instrumento ng
katarungan, lalo na noong kasagsagan ng impeachment trial. Salamat din po sa
dalawang institusyong bumubuo ng Kongreso: Sa Senado at Kamara de
Representante, na tinimbang ng taumbayan at nakitang sapat na sapat.
Sa lahat po ng tumulong sa pagpapagana ng
mga prosesong pangkatarungan: Dumaan kayo sa matinding pagsubok, batikos, at
agam-agam; kasama pa ang kaba na kung natalo tayo, kayo ang unang pupuntiryahin
ng kalaban. Pero ‘di kayo natinag. Umasa sa inyo ang Pilipino, at pinatunayan
ninyong tama ang pag-asa sa inyo. Hindi ninyo binigo ang sambayanan;
ipinaliwanag ninyo lalo ang ating kinabukasan. [Applause]
Paalala lang po:
Hindi natatapos ang laban sa isang tiwaling opisyal na natanggal sa puwesto, sa
isang maanomalyang kontratang napigil ipatupad, o sa isang opisinang naituwid
ang pamamalakad. Kaya naman nananawagan po tayo sa Kongreso na ipasa ang
panukala nating sa pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act, upang mas
mapaigting pa natin ang pagpapanagot sa mga tiwali.
Itong tinatamasa
natin ngayon: ang bawat nailawan at iilawan pang sitio; ang bawat daan, tulay,
paliparan, tren, at daungan; ang bawat kontratang walang bukol; ang kaligtasan
at kapayapaan mula lungsod hanggang nayon; ang pagbalik ng piring sa sistemang
pangkatarungan; ang bawat classroom, upuan, at aklat na napasakamay ng
kabataan; ang bawat Pilipinong nahahandugan ng bagong kinabukasan—ang lahat ng
ito, naabot natin sa loob lamang ng dalawang taon.
Pagtabihin po
natin ang dalawang taon na ito, at ang nakaraang siyam at kalahating taon na
ating pinagdusahan. ‘Di po ba’t sumusulong na ang agenda ng pagbabago? Ang
kapareho namin ng adhikain, malamang, kasama namin sa agendang ito. At kung
kontra ka sa amin, siguro kontra ka rin sa ginagawa namin. Kung kumukontra sila
sa agenda ng pagbabago, masasabi ba niyang sila’y nasa panig ninyo?
Paparating na
naman po ang halalan. Kayo po, ang aming mga boss, ang tangi naming susundan.
Ang tanong ko sa inyo, “Boss, saan tayo tatahak? Tuloy ba ang biyahe natin sa
tuwid na landas, o magmamane-obra ba tayo’t paatras, pabalik sa daan na
baluktot at walang patutunguhan?”
Naalala ko pa po
noong nagsimula tayo. Mulat na mulat ako sa bigat ng pasaning sasalubong sa
atin. Kabilang ako sa mga nag-isip: Kaya pa bang ituwid ang ganito kabaluktot
na sistema?
Heto po ang aking natutuhan sa dalawampu’t
limang buwan ng pagkapinuno: Walang pong imposible. [Applause] Walang imposible dahil kung nakikita ng
taumbayan na sila ang tanging boss ng kanilang pamahalaan, bubuhatin ka nila,
gagabayan ka nila, sila mismo ang mamumuno tungo sa makabuluhang pagbabago.
Hindi imposible na ang Pilipinas ang maging kauna-unahang bansa sa
Timog-Silangang Asya na magbibigay at nagbibigay ng libreng bakuna laban sa
rotavirus. Hindi imposible para sa Pilipinas na tumindig at sabihing, “Ang
Pilipinas ay sa Pilipino—at handa kaming ipagtanggol ito.” Hindi imposible na
ang Pilipinong kaytagal nang yumuyuko tuwing may nakakasalubong na dayuhan—ang
Pilipino, ngayon, taas-noong tinitingala ng buong mundo. [Applause] Talaga namang ang sarap maging Pilipino sa
mga panahong ito.
Noon pong
nakaraang taon, hiniling ko sa taumbayan, magpasalamat sa mga nakikiambag sa
positibong pagbabago sa lipunan. Hindi po biro ang mga pagsubok na dinaanan
natin, kaya angkop lamang na pasalamatan ang mga taong nakibalikat, sa
pagkukumpuni sa mga maling idinulot ng masamang pamamahala.
Sa lahat ng miyembro ng aking Gabinete:
Maraming, maraming salamat. [Applause]
Mapalad po ang sambayanan at may mga tulad ninyong handang isuko ang pribado at
mas tahimik na pamumuhay para maghatid serbisyo-publiko, kahit pa batid ninyong
ang kapalit nito ay mas maliit na sweldo, panganib, at pambabatikos. Kaya
maraming salamat muli.
Huwag din po sana nilang masamain dahil
personal ko silang papangalanan: Kina Father Catalino Arevalo, at Sister Agnes
Guillen, na dumidilig at nagpapalago sa aking buhay spirituwal, lalo na sa mga
panahong sukdulan ang pagsubok sa amin, maraming, maraming salamat din po. [Applause]
Ito po ang aking
ikatlong SONA, tatlo na lamang din po ang natitira. Papasok na po tayo sa
kalagitnaan ng ating liderato. Noong nakaraang taon, ang hamon ko sa inyo:
iwaksi ang kultura ng negatibismo; sa bawat pagkakataon, iangat ang
kapwa-Pilipino.
Batid po sa
tinatamasa natin ngayon: hindi kayo nabigo. Sa inyo nagmula ang pagbabago. Ang
sabi ninyo: posible.
Humaharap po ako
sa inyo bilang mukha ng isang gobyernong kayo ang boss at kayo pa rin ang
lakas. Inuulat ko lamang ang mga pagbabagong ginawa ninyong posible.
Kaya nga po sa lahat ng nurse, midwife, o
doktor na piniling magsilbi sa mga baryo; sa bawat bagong graduate na piniling
magtrabaho sa gobyerno; sa bawat atletang Pilipinong bitbit ang watawat saan
mang panig ng mundo; sa bawat kawani ng pamahalaan na tapat na nagseserbisyo:
Kayo po ang gumawa ng pagbabago. [Applause]
Sa tuwing haharap
ako sa isang ina na nagsasabing, “Salamat at nabakunahan na ang aking sanggol,”
ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap
ako sa isang bata na nagsasabing, “Salamat sa papel at lapis, sa pagkakataong
makapag-aral,” ang tugon ko: Kasama ka sa gumawa nito.
Sa tuwing haharap
ako sa isang OFW na nagsasabing, “Salamat at puwede ko na muling pangaraping
tumanda sa Pilipinas,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa tuwing haharap
ako sa isang Pilipinong nagsasabing, “Salamat, akala ko hindi na
magkakakuryente sa aming sitio. Akala ko hindi ko na aabuting buhay ang liwanag
na ganito,” ang tugon ko: Ikaw ang gumawa nito.
Sa bawat
pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka, guro, piloto, inhinyero, tsuper,
ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa bawat Juan at Juana dela Cruz na
nagsasabing “Salamat sa pagbabago,” ang tugon ko sa inyo: Kayo ang gumawa nito.
[Applause]
Inuulit ko po, posible na ang dating
imposible. Humaharap po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito.
Kayo ang gumawa nito. SONA ito ng sambayanang Pilipino. Maraming, maraming salamat
po at magandang hapon po sa lahat. [Applause]